1. Mom from Manila | Ramblings of a Mom about love, life and everything else in between: Pataas ng Pataas ng Pataas

Wednesday, July 16, 2008

Pataas ng Pataas ng Pataas

Kanina lang ako nagbyaheng ulit papuntang opisina kasi di pwedeng maghatid si Hubby dahil kailangang mag aral ni Baby para sa test sa eskwela bukas. Nagulat ako sa sobrang taas ng pamasahe sa ngayon. Parang kelan lang, 1.50 ang minimum na pamasahe sa mga jeepneys tapos ngayon 8.50 na pala. Okay, siguro nga ay sobrang tagal na ang panahong sinasabi ko kasi 15 years na nga pala akong nakakagraduate from high school, at high school ako noong 1.50 ang pamasahe sa jeep. Naisip ko lang dati pag may bente pesos ako sa bulsa, malayo na ang mararating ko, may meryenda pa ako. Ngayon kaya magkano na ang baon ng mga high school students? Grade 1 pa lang kasi ang anak ko eh kaya nagkakasya pa sya sa sandwiches and biscuits na pinapabaon namin. At saka mas gusto ko yung ganito na pinababaunan ko sya ng pagkain, alam ko na kung ano ang kinakain nya, di pa sya lumalaki na sanay na may hawak na pera. Ang hirap na talaga ng buhay, wala ng mura ngayon kundi ang mura ng kapitbahay mo na galit na galit dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Kung noong mga nakakaraang buwan na ang NFA rice ay nabibiling disiotso pesos isang kilo, madami pa ring magugutom, paano na ngayong tumaas na rin sya at naging bente singko pesos na kada kilo. Dumadami lalo ang batang nasa kalye at naghahanap buhay, dumadami rin ang nasisiraan ng bait dahil sa gutom. Ano na lang kaya ang kahihinatnan nang Pinoy at ng Pilipinas pagkaraan ng sampung taon? Dati, ang bukambibig ko noong nasa kolehiyo ako, di ko iiwan ang 'Pinas kasi alam ko kaya pa nitong tumayo sa lugmok na kinalalagyan nya. Nagsisimula kasi noong ituring tiger economy ang ekonomiya ng bansa na nasa pamamahala ni Tabako. Ngayon, nagsisimula na rin akong mag isip na mangibang bayan para sa kinabukasan ng anak ko, ng pamilya namin. Pabulok na kasi nang pabulok ang sistema sa 'Pinas kahit sa pinakamaliit na sangay ng gobyerno me korupsyong nagaganap, kahit sa kabataang barangay nauso na rin ang bilihan ng boto. Haynaku, pano pinakikialaman na rin ng malalaking pulitiko.

Mag aanim na taon pa lang ang anak ko sa Agosto, at ayokong ito ang maging mukha ng Pilipinas na kalakihan nya. Pero, ano ang magagawa ng isang inang katulad ko kung nag iisa lang ako. Kung sana lang lahat ng ina ay magtutulong tulong alam ko may natitira pang hibla nang buhay ang 'Pinas at nasa palad ito ng kabataang nasa pangangalaga ng kanilang mga magulang.

0 comments:

Post a Comment

Mom from Manila highly appreciates constructive comments. This is a DO FOLLOW comment section.